Ang Babae, Ang Tula

Sapagkat ang isang bagay ay hindi mamamatay kung patuloy na ibabahagi.

Ang mga sumusunod ay iilan lamang sa mga tulang nagmula sa lumalagong populasyon ng mga kababaihang manunula. Dahil hindi lamang ngayon nagsimula ang babae. Dahil ang kababaihan, katulad ng tula, ay parang mga pinagtagpi-tagping salita mula sa magkakaibang henerasyon: malakas kung mag-isa, mas malakas kung magkakasama. 



Litanya
ni Merlinda Bobis


Huwag mo akong iiwan
Tulad ng pag-iwan ng anghel
Sa kanyang pakpak, nalimutan
Sa bus na gumarahe
Sa gabing walang buwan
Huwag mo akong iiwan
Tulad ng pag-iwan ng buwan
Sa kaniyang mata, nahulog
Sa sapang nananaginip
Ng dilim na walang pintuan
Huwag mo akong iiwan
Tulad ng pag-iwan ng dilim
Sa kanyang tainga, pinigtal
Ng hanging nananalangin
Sa kay agang namaalam

Huwag mo akong iiwan
Tulad ng pag-iwan ng hangin
Sa kaniyang dila, nangupas
Sa kakahiyaw na
‘Huwag mo akong iiwan’

Pakpak mo, mata mo, tainga mo, dila mo
Ang nagpapatunay sa akin -
O di kaya ako
Ang lumikha sa’yo
Sa aking pananampalataya

Sa lipad, tingin, pandinig, awitin?

Pasulpot-patago na salawahang ulap.





Bago Ang Babae
ni Rebecca AƱonuevo


Mabuti na lang at sa panahong ito ako

Ipinanganak na babae.
Hindi ko kailangang manahimik
Kung kailangang magsalita.

Hindi ko kailangang magsalita
Kung nais kong manahimik.
Hindi ko kailangang ipaliwanag
O hindi ipaliwanag ang bawat pagpapasiya.

Hindi ko kailangang sumunod sa inaasahan

Ng lahat, tulad ng pag-aasawa.

Kung mag-asawa man ako'y
Hindi ko kailangang matakot
Kung dumating ang araw ng pagkabalo,
O kailangan nang makipaghiwalay.
Hindi ko kailangang magkaanak ng labis
Kahit kaya kong panagutan.
Hindi ko kailangang malugmok sa lungkot

Sakali't hindi ako magkaanak.
Kung kailangan ko mang gampanan
Ang pagiging ina at asawa,
Hindi ko kailangang humingi ng paumanhin,

Hindi ko kailangang panawan ng talino at lakas,

Hindi ko kailangang limutin ang lahat,
Hindi ko kailangang itakwil ang sarili,
Hindi ko kailangang burahin
Na isa akong tao
Bago isang babae.






Kay Tu Fu Na Makauunawa Sa Hindi Ko Babanggitin Sa Mga Taludtod Na Ito
ni Benilda Santos


Wari daang taon na ang nakalipas mula noong gabing
kumatok ka sa aming pinto upang makitulog dahil kailangan
mong iligaw ang mga ahente ng gobyerno na tiyak
na papatay sa iyo. Natatandaan ko ang nararamdamang

sakit kapag di-sinasadya nahiwa ang daliri sa
pagbabalat ng manggang hilaw nang mapagmasdan ko ang

mga mata mong mapula na sa puyat. Kasimpula ng nagkalat

na hinog na ratiles sa labas ng aming bintana,
naibulong ko sa sarili kasabay ang inimpit na pagiling.
Nang inihahanda ko na ang iyong hihigan, napadait
ka sa akin, at nalanghap ko ang sangsang ng
maraming araw ng paglalakad sa tag-init mula sa tagiliran

ng bundok sa Quezon hanggang sa mga eskinita
ng San Andres Bukid. Tiyak ako: tinanglawan ka ng

nangangalahating buwan sa iyong paglalakbay, nilibang
ang mga bituin at sinundan-sundan ng hangin.
Alam ko ring tinanaw ka ng mga kawayanan hanggang sa

mawala ka sa lilim ng mga nunong akasya. Kinailangan
mo kayang mamaybay sa ilog? Sinu-sino ang kumupkop
sa iyo bago ka nakarating sa akin? Nang walang-imik
mong hawakan ang aking kaliwang suso, at pagkaraan,

agusan ng luha ang iyong nangungutim na pisngi, alam

kong, wala akong maipagkakait sa iyo. Hindi ka na nakabalik

pa sa akin mula noon. Natagpuan ang bangkay

mong tadtad ng bala: haplus-haplos ng malalambot na
ugat ng kamya malapit sa paliguan ng kalabaw sa isang

bukid sa Tarlac. Ni hindi nabatid ng masa na iyong

idinambana ang karaniwan mong pangalan. At ako, ang

natatandaan ko lamang, ay ang iyong labing nasugatan
ng aking ngipin at ang dugong aking nilulon: pagkain
ng aking pagharap sa hunyangong panahon.









Tula Sa Sanaysay
ni Lilia Quindoza Santiago

Sining ang sanaysay
Isang tula sa kalawakan ng malay.

Dito, sinusukat ang saklaw ng kaalaman
Tinutugma ang liwanang ng isip, luwalhati ng puso,
Sa pagdaloy ng mga salita,
Sa paglilinaw ng mga haraya
Sa paghahawan ng salimuot sa daigdig
Na patuloy na umiinog sa mga tanong

Walang hanggang katanungan
Na walang iisang katugunan.

Tula ang sanaysay

Pagpapalawig ng ulirat sa malayang kadiliman

Pagpapanumbalik ng tibok sa nakaambang kamatayan

Isang bukas na larangang bukas sa lahat

Tula ang sanaysay
Sa kanyang anyo
Sa kanyang sarili
Sa kanyang salaysay
Sa kanyang kasaysayang lumingap
Sa mundong lagi’t laging may tinutuklas

Iisa ang tula at sanaysay sa kanilang pakay:

Iluklok ang Bathala ng karunungan at pagmamahal

Sa lahat ng bagay.






Pagpangita Sa Katapusang Romantiko
ni Maria Victoria Beltran


Samtang nagbasa ko sa imong balak

wala nako tuyoa. Paghandum
sa lalaki nga nikagiw na.


Kadtung mohatag sa katapusan

nga lingkoranan. Mokapyot
sa trisikad aron lang
ang akong sampot mahimutang.


Kadtung mopadala sa sulat nga

tam-is og dila. Mokutlo

sa bitoon og bulak sa

kangkong kay kanako ihalad.


Kadtung dili motawag kanako

ug borikat. Mopalandong
sa hinungdan ngano nga
ako namaligya niining

biko nga gitamastamasan.


(Asa na man to siya?
Kay kining akong kasingkasing
nga nagkamuritsing. Kinahanglan
nga salbahon sa mga tiaw ning panahon.)






Litanya Ng Paghahanap
ni Maria Josephine Barrios


"Litanya ng Paghahanap"
(Para sa mga magulang nina Jonas, Karen at Sherlyn

at sa mga pamilya nina Luisa at Nilo ng Panay)


Hinahanap ko

Siyang nawawala.


Pinagtatagpi ang mga ebidensiya,

Pinagdudugtong ang mga salaysay,

Idinudulog sa hukuman.


Hinahanap ko

Siyang nawawala.


Iwinawaksi ang masamang panaginip:

Ang maliit, madilim na silid,
Ang pagpapahirap at panaghoy
Ang karsel na walang pangalan at lunan.


Hinahanap ko

siyang nawawala.


Kahit di malaman ang simula’t
Hantungan ng paglalayag.

Makipagtawaran kaya sa kapalaran?
Ibalik niyo ang bugbog, laspag na katawan,

Mapaghihilom ang bawat sugat.

Isauli niyo ang baliw ang isipan

Mapanunumbalik ang katinuan.
Ibigay niyo sa akin ang pira-pirasong buto,

Ang gula-gulanit na laman,
At kahit pa, kahit pa,
ang bangkay na di na makilala.


At tatanggapin ng aking puso,

Siyang nawawala
Siyang hinahanap
Siyang minamahal.


Ngunit huwag,
Huwag akalaing ako’y nakikiusap,

Nagmamakaawa, o naninikluhod.
Ang dapat isakdal
Ay silang sa kanya’y dumukot,
Silang nilalaro ang batas sa kanilang palad,

Silang utak ng pandarahas.


Hinahanap ko
Siyang nawawala
At siyang nawawala
Ay naghahanap ng katarungan.


Katarungan!








Hinihintay na Panglaw
para kay Adul de Leon
ni Aida Santos, 2005


1
Mabilis kong binuksan ang manipis na polder
ng mga tula ng pag-ibig, higit na maamong bahagi ko

tinawanan natin ang kapangyarihang magnasa
kahit pa nga tayo’y umiibig
habang buong giting na inilantad natin ang bahaging may sakit

sa tagiliran, parang bulsa ng ating damit:
kilalang mga damdamin, nakatago
tulad ng pag-uusap na ito.


Inilantad ko sa iyo ang sugatang puso

dumausdos ang iyong mga luha, naramdaman ko

ang sakit na bumago sa katawang


nasa aking harap, nangatal kasabay ng kanyang mga unan,

at wala akong magawa kundi ang yakapin ka
kapatid, kaibigan, kasama.


2
Mahigpit tayong nagyakap,
mainit ang iyong luha, ang aki’y malamig.
Sakit, o anong sakit ng buhay
na tumingkayad sa pintuan ng mga pagkatataon,
ngunit hindi na tayo mga bulaklak na namumukadkad–
dinalhan kita ng isang tungkos nito
at ilang prutas, matamis, tulad ng pag-uusap na ito
sa pagitan ng kababaihan. Sumumpa tayong
hindi papayag na maging anino lamang
ng nakaraan, hahayo tayong
may pananampalatayang ang iyong buhay
ay hindi nasayang, kahit pa nga nabubulok ang iyong malambot na laman.


3
Kung aangkinin tayo ng kamatayan
sirain ang bituka ng ating katauhan
ang mga bahagi ng ating buhay
sana’y maganap ito nang may lamyos:
ayaw kitang makitang singnipis ng talahib
tulad ngayon, pulos buto ang natira sa iyo.
Ibig kong alalahanin
ang iyong magagandang mata, itimang tubig
ng mga alaala, may kinang
simbuyo ng tanghalan
na siya mong kasaysayan.
Kaya ngayon, lumalayo ako
mula sa malatingting na lakad, mga plastik na tubong

nakabitin mula sa iyo, pangit na pantawid-buhay.


Ngunit, bawat oras ng bawat araw
unti-unting nabubuo ang iyong larawan sa aking utak

naghuhugis sa hinihintay na panglaw.






Tinatawag Nila Akong Makata
ni Vivian N. Limpin 1992


At tinatawag nila akong makata
Dahil sumusulat ako ng mga taludtod
tungkol sa mga bagay
na dati mo nang alam
Sinusulat ko nga lamang
sa mas matulaing paraan.
At tinatawag nila akong makata
Dahil nahahanap ko ang talinghaga
sa pang-araw- araw na pagkabagot
At nakakahanap ng pagkabagot
sa pang-araw- araw na talinghaga.
At tinatawag nila akong makata
Dahil kumikita ako sa pagngisi
sa harap ng makinilya
At ngumingiti sa palakpakan
pagkatapos ng unang public reading.
At tinatawag nila akong makata
Dahil heto ako, nagpupuyat, nagkakape,
tumutunganga, sumisimangot,
nangangarap, nagkakamot, nag-uunat,
naglalakad, nagsasalita, ngumingiti,
nagngangalit, nagsusulat, nagbubura,
nagrerebisa
Ng aking mga tula
na hindi naman nahahawakan,
nagagamit, o nakakain.
At tinatawag nila akong makata.





No comments:

Note: Only a member of this blog may post a comment.

© ALPAS Journal. Design by A.